PatrolPH

Pagsisilbi ng search warrant nauwi sa barilan; 1 patay, 8 tiklo

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 05:39 PM | Updated as of Mar 28 2019 07:46 PM

Watch more on iWantTFC

Napatay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa mga pulis na magsisilbi ng search warrant sa isang gusali sa Quiapo, Maynila nitong umaga ng Huwebes, ayon sa pulisya.

Walong tao naman ang naaresto sa parehong operasyon dahil sa umano ay gunrunning o ilegal na pagbebenta ng mga armas at paggamit ng ilegal na droga, ayon sa pulisya.

Aabot sa P3 milyon halaga ng droga ang narekober ng mga awtoridad.

Isinilbi ng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) Team at District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District (MPD) ang search warrant dahil sa impormasyong ginagawa umano ang gusali bilang taguan ng mga sangkot sa gunrunning at ilegal na droga.

Napatay si Jabir Malawi Ampuan matapos umanong makipagbarilan sa MPD-DPIOU na naghain ng warrant.

Miyembro si Ampuan ng Amrani Alimbaracat Group na sangkot sa gunrunning at pagbebenta ng ilegal na droga.

Kasama naman sa walong naaresto ang isang barangay kagawad, ayon sa pulisya.

Kakasuhan ng illegal possession of firearms ang kagawad habang illegal possession of firearms at illegal possession of drugs ang isasampa sa pito pang suspek.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.