Pagdisiplina sa mga city bus, tsuper sa EDSA pinaigting ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaigting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagdidisiplina ng mga pasaway na city buses at maging mga pasahero na sanhi ng buhol-buhol na trapik sa EDSA.

Bilang tugon na rin umano ito sa himutok ng provincial bus operators na sila lang ang pinagdidiskitahan sa nakaambang provincial bus terminal closure sa EDSA.

Nagpakalat ang MMDA ng mga enforcer sa EDSA para itaboy ang mga sasakyang nagbabalak pumasok sa yellow lanes na dapat para sa mga bus.

"Mayroon po tayong mga tauhan sa metro base sa non-contact apprehension, mayroon din tayong mga tauhan sa mga footbridges na siyang kumukuha ng mga retrato (ng mga lumalabag). [May] 2,000 apprehensions per day,” ani MMDA EDSA traffic chief Bong Nebrija.

Tuloy-tuloy umano ang daloy ng mga bus at mga pribadong sasakyan nang magpakalat ng enforcer. Naglalakad din patungo sa tamang loading at unloading bays ang mga pasahero, bagay na ikinatutuwa ng ilang motorista

"Parang hindi pantay-pantay ‘yung mga bus (noon) minsan umo-overtake kaya nagkakabuhulan eh,” sabi ng motoristang si Gotch Chua.

Nakita ng MMDA ang epekto nito. "Nakita nila na hindi namin pinapayagan huminto dito, magbaba at magsakay, eh napipilitan silang pumunta du'n sa loading bay natin,” ani Nebrija.

Babakuran na rin ng MMDA ang mga lugar na hanggang sa ngayon ay ginagawa pa ring babaan ng pasahero, kabilang ang P. Tuazon at Shaw Boulevard.

Plano rin ng MMDA na lagyan ng mga separator ang loading at unloading bays para sa mga commuter.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.