Materyales para sa 'doble-plaka' di pa napagdedesisyunan: LTO

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 05:37 PM | Updated as of Mar 28 2019 05:58 PM


Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na walang nakasaad sa "doble-plaka" law na bakal ang gagamiting materyales para dito, na ikinababahala ng maraming motorista. 

Ito ay matapos umalma ang ilang road safety experts at motorcycle groups sa Republic Act No. 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.

Minamandato ng batas ang pagkakaroon ng mas malaking plaka para sa mga motorsiklo. Kailangang tanaw mula 15 metro ang plate number ng mga mga motorsiklo.

Pero ayon kay LTO chief Edgar Galvante, walang probisyon sa batas na naglalahad kung ano ang dapat na disenyo o materyales na gagamitin sa mga plaka. 

Narito ang nakalahad sa batas: 

"The LTO shall issue a readable number plate for every motorcycle. The LTO shall, in the implementing rules and regulations of this act, shall determine the font style and the size of the bigger, readable, and color-coded number plates." 

"Gusto nating linawin na walang probisyon sa batas na bakal ang gagamitin," ani Galvante sa "Usapang de Campanilla" noong Miyerkoles. 

Napangunahan lang daw ang mga kritiko dahil kadalasang metal ang ginagamit sa mga plaka. 

"Ang nangyari lang is pag nasabing plate ay ibig sabihin ay metal na ito," dagdag niya. 

Ayon kay Galvante, kasalukuyan pa nilang inaaral kung ano ang disenyo ng gagamiting plaka. 

Una na rin nilang tiniyak na hindi ito gawa sa bakal. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.