Datos ng NDRRMC, DA ukol sa pinsala ng tagtuyot di tugma

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 06:00 PM | Updated as of Mar 28 2019 09:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi nagtutugma ang datos na inilabas ng dalawang ahensiya ng gobyerno ukol sa halaga ng pinsala sa agrikultura bunsod ng labis na tagtuyot na dama sa ilang probinsiya.

Sa pahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes ng umaga, sinabi nilang pumalo na sa P2.6 bilyon ang agriculture damage dahil sa tuyong-tuyong lupain sa mga bahagi ng bansa. 

Base ang kanilang komputasyon sa mga halagang ibinigay ng mga probinsiya. 

Sabi ng ahensiya, labis kasi ang tagtuyot na nararanasan ngayon sa ilang lugar ng Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Masbate, Leyte, Southern Leyte, Biliran, Western at Northern Samar, Negros Occidental, Iloilo, Antique, Cotabato, Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani, at Basilan. 

Kabilang din dito ang ilang parte ng Kamaynilaan.

"It's almost nationwide: Luzon, Visayas, and Mindanao, wala siyang pinipili... God willing, na sana hindi na ma-extend beyond July," sabi ni NDRRMC spokesperson Edgar Posadas.

Pero sa panayam kay Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ilang oras matapos ilabas ng NDRRMC ang kanilang tantiya, sinabi nitong susuriin muna nila ang mga ibinigay na datos ng mga lokal na pamahalaan. 

Sa kanila kasing komputasyon, P1.3 bilyon lang ang kasalukuyang pinsala. 

Sinabi din ng kalihim na posibleng 'pinalobo' ng mga lokal na pamahalaan ang estimate upang makulimbat nila ang calamity funds at magamit ito sa halalan.

“We are not saying it's inaccurate... Sabi ko sa mga staff ko, 'let’s be careful with the numbers coming from the local government units.' You have to understand na malapit na ang election at puwede mong gamitin 'yung calamity fund for political purposes and you can justify that by issuing a huge damage report," babala ni Piñol.

Bawal na kasing mag-release ng pondo para sa ilang proyekto ang mga lokal na opisyal sa panahon ng halalan, pero depende daw kung kinakailangan sa panahon ng kalamidad.

Sa ngayon, lilinisin at paplantsahin ng dalawang ahensiya ang mga datos bago magbigay ng ulat kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes. 

"We’re trying to reconcile our numbers in preparation for a report that will be submitted to the Office of the President on Monday during the Cabinet meeting," ani Piñol. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.