PatrolPH

Bata naibangga ang SUV na naiwang bukas ang makina, 1 babae patay

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2019 06:51 PM

BANNA, Ilocos Norte - Patay ang isang 58 anyos na babae nang mabangga at kaladkarin ito ng isang sasakyan na napasok ng isang 10 anyos na batang lalaki habang bukas ang makina dito sa bayan Lunes ng hapon. 

Kinilala ang biktima na si Flordelina Susa.

Base sa imbestigasyon, ang bata at ang kaniyang ama ay nasa bahay ng sekretarya ng barangay. Naroon rin si Susa kasama ang dalawa pang kabarangay nila.

Nag-uusap ang mga ito sa labas ng bahay malapit lamang sa garahe. Nakaparada ang sasakyan ng mag-ama sa labas ng bahay. 

Malapit lang umano ang biktima sa ama ng bata. Kasama naman ng ama ang kaniyang anak sa labas ng nasabing bahay.

Iniwan ng ama na umaandar ang makina ng sasakyan pero hindi umano niya namalayan na bumalik ang anak sa loob ng kanilang sasakyan.

Dumiretso ang kanilang sasakyan sa garahe. Dito na naipit ang biktima sa pader ng garahe.

"Umaandar ang sasakyan na iniwan ko. Hindi ko alam na bumalik siya sa sasakyan. Siguro baka nilaro ‘yung kambiyo," paliwanag ng ama.

Nakatakbo at nakaiwas naman ang barangay secretary, ang ama ng bata, at dalawang iba pang residente.

Agad dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay habang ginagamot. 

Hindi naman nasaktan ang bata sa insidente, ngunit na-trauma umano ito kaya isasailalim sa guidance counselling.

Ayon sa hepe ng Banna Police Station na si Police Major Arnel Tabaog, posibleng pinaglaruan ng bata ang sasakyan. 

"Kinalikot ‘yung sasakyan, ‘yung mechanism ay manual," sabi ni Tabaog.

Kasama pang nakaladkad ang motorsiklong naka-park sa garahe.

Ayon sa pulisya, nag-usap na ang dalawang pamilya. Wala nang kaso pero tutulong ang pamilya ng nakabangga sa pamilya Susa sa lahat ng kanilang mga gastusin sa pagpapalibing sa biktima.

“Tutulong sila sa lahat ng mga magagastos sa pagpapalibing sa nanay nila," ani Police Chief Master Sergeant Maritess Ramos, Women's and Children's Desk officer.

Payo ng mga pulis, huwag hayaang umaandar ang makina ng sasakyan lalo na kung may kasamang bata.

Ang sinumang magulang na papayagang magmaneho ang kanilang mga menor de edad na anak ay haharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.