Tulak ng droga, tumba nang umano’y manlaban sa Valenzuela

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 12:31 AM

MANILA—Patay ang isa umanong tulak ng droga matapos umanong manlaban nang maghain ng search warrant ang mga pulis sa Barangay Ugong sa Valenzuela, Martes ng madaling araw.

Ayon sa mga pulis, maghahain sana sila ng search warrant laban sa sinasabing tulak ng droga na si Eric Quimbo nang makita umano nila siyang gumagamit ng droga sa loob ng kaniyang bahay.

Agad umanong pinaputukan ni Quimbo ang mga pulis nang malaman na balak nilang halughugin ang kaniyang bahay kaya't binaril siya ng mga awtoridad.

Ngunit giit ng anak ni Quimbo, natutulog daw silang mag-anak nang dumating ang mga pulis at palabasin sila ng bahay. 

Saad ng anak, nakarinig na lamang daw sila 2 putok ng baril at pag-iyak ng kaniyang ama.

Arestado rin ang kapitbahay ni Quimbo na si alyas "Bok" na giniit na nakikitulog lamang daw sa bahay ng napaslang na suspek.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga pulis and insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.