SAPUL SA CCTV: Pambibiktima ng riding-in-tandem sa QC

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 09:01 PM | Updated as of Mar 28 2018 10:19 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nakuhanan ng CCTV ang tatlong magkakasunod na insidente ng pambibiktima ng riding-in-tandem sa Barangay South Triangle sa Quezon City. 

Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaki na naglalakad sa Timog Avenue, Quezon City nitong Marso 8 nang biglang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang tao na humablot sa cellphone ng lalaki.

Kinabukasan, Marso 9, nakuhanan naman ng CCTV ang isang estudyante na naglalakad sa Scout Tuazon sa Quezon City, at inagawan ng cellphone ng nakasalubong na riding-in-tandem. 

Hinabol pa ang mga ito ng biktima at rumorondang barangay tanod pero hindi na rin nila ito inabutan. 

Nito namang Marso 16, nakuhanan din ng CCTV ang pambibiktima sa isa namang babae na inagawan ng bag sa Mother Ignacia, Quezon City. 

Ayon sa mga opisyal ng barangay, posibleng isang grupo lang ang may gawa nito. 

Dahil dito, nagpaalala si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde sa mga pulis na bigyang pansin ang mga riding-in-tandem. 

Nanawagan naman ang mga pulis na i-report sa kanila sakaling may impormasyon sa mga suspek. 

Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District ang mga insidente habang siniguro naman ng NCRPO ang maigting na police visibility ngayong Semana Santa. 

--Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.