Mga 'naglalakihang' party sa LaBoracay, ipagbabawal muna

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 10:16 PM

Hindi muna maaaring magsagawa ng malalaking pagtitipon sa Boracay para sa papalapit na LaBoracay na idinadaos tuwing o bago ang Mayo 1 kada taon.

Ito ang naging desisyon ng bayan ng Malay, Aklan sa harap ng bantang "closure" sa isla dahil sa sari-saring paglabag umano sa environmental laws.

 

"Upon series of deliberations, the executive body of the Municipal Government Unit of Malay unanimously decided during a Special Executive Meeting...to stop granting special permits for big events for the duration of LaBoracay," ayon sa pahayag ng Malay sa kanilang Facebook page.

Ayon sa kanila, isa itong pagsuporta sa isinusulong ng gobyernong paglilinis sa Boracay.

Isa ang LaBoracay sa malalaking okasyon na taon-taong isinasagawa sa isla. Madalas ay nagsisimula na ang mga party ilang araw bago ang mismong Labor Day o Mayo 1. 

Bagama't dinarayo ito ng mga turista, isa ito sa itinuturong labis na nakadudumi sa Boracay.

Nauna nang sinabi ng lokal na opisina ng Department of Tourism (DOT) na walang naibabalik na pera sa bayan ang naturang event.

"Wala naman daw economic return, nakakadagdag lang ng pollution sa Boracay," ani Atty. Helen Catalbas, regional director ng DOT-6.

Pero paglilinaw ng bayan ng Malay, papayagan ang "maliliit" na pagtitipon basta't alinsunod ito sa mga lokal na ordinansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.