Lalaki patay nang masagasaan ng tren

Rona Nuñez, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 04:46 PM

BAAO, Camarines Sur – Dead on the spot ang 87 anyos na lalaki matapos masagasaan ng tren sa Barangay Sta. Teresita, Martes ng tanghali.

Nakilala ang lalaki na si Salvador Pesimo. Nasagasaan siya ng material train ng Philippine National Railways (PNR). May kargang mga bakal ang tren na dadalhin sana sa mga lugar na may isinasagawang rehabilitasyon ng mga riles.

Sa imbestigasyon ng pulisya, malakas ang busina ng tren subalit napag-alamang may diperensiya sa pandinig ang biktima kaya hindi ito napansin.

Kuwento ng nag-iisang anak ng biktima na si Mary Grace Lompero, mahina na rin pati ang paningin ng kaniyang ama.

Mangunguha lamang daw ito ng panggatong nang mangyari ang aksidente.

Hilig umano nitong maglakad-lakad pero ayaw magpasama sa mga kamag-anak.

Hangad ng naiwang pamilya na matulungan sila sa pagpapalibing sa biktima.

Ayon sa PNR, hanggang P10,000 lamang ang ibinibigay nilang financial assistance sa mga nabibiktima ng railroad accident.

Unang aksidente ito ng tren ng PNR sa Camarines Sur ngayong taon.

Paalala ng pulisya lalo na sa mga nakatira malapit sa riles ng tren na maging maingat at alerto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.