Disabilidad ‘di hadlang sa pag-akyat sa tuktok ng Mt. Apo

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 03:57 PM | Updated as of Dec 31 2018 01:53 PM

Matagumpay na naakyat ng 6 na amputee ang tuktok ng pinakamataas na bundok sa Pilipinas, ang Mt. Apo. Photo courtesy of Alex Agustin.

DAVAO CITY – Hindi naging hadlang para sa 6 na amputees ang kanilang kundisyon para hamunin ang mga sarili at matagumpay na maakyat ang tuktok ng pinakamataas na bundok sa Pilipinas, ang Mount Apo.

Kulang man ng isang parte ng paa o kamay, di alintana kina Michella Esparas, Alex Agustin, Jeffrey Alayon, Ameer Ahid, Alfredo Fernandez, at Sunny Beloria ang disabilidad at pagod para matawid ang tulay na gawa sa lumang kawayan at akyatin ang 90-degrees na hagdan na itinuturing na pinakamahirap na parte ng paglalakbay.

Si Esparas ang unang babaeng amputee na nakaakyat sa tuktok ng Mt. Apo.

"Dalawa dapat kaming babae. Ang isa ikakasal so ako natira. So para sa kaniya ang climb na ito. ‘Wag lang sumuko sa buhay kapag nawalan ng isang parte ng katawan, hindi ibig sabihin titigil tayo. Dapat tuloy lang ang kilos," sabi ni Esparas.

Ilan mang sapa, malalaking ugat ng punong kahoy, paglakad sa mga madudulas at maputik na daan, lahat ng iyon ay naging inspirasyon ng grupo upang magsikap at ipakita na kayang-kaya nila anumang hirap ang nakaharang.

Hindi man nakasama sa summit ang 2 nilang miyembro na sina Wilbert Ang at Manuel Lobrigo, pero ang tagumpay ng kanilang grupo ay isa na ring tagumpay at kaligayahan ng lahat.

Alas-11 ng umaga ng Marso 24 narating ng grupo ang summit ng bundok. Nag-umpisa silang umakyat sa bundok noong ika-22 ng Marso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.