Binatilyong namitas ng bayabas, natusok ang kamay sa bakal

Madonna Timbal, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 10:56 AM | Updated as of Dec 30 2018 06:20 AM

Tinulungan ng Central 911 Urban Search and Rescue Unit ang 14-taong gulang na batang lalaki matapos na aksidenteng matusok ang kaniyang kanang kamay sa bakal na gate habang nangunguha ng bayabas. Madonna Timbal, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Tiniis ng 14-anyos na lalaki ang sakit nang matusok ang kanang kamay sa bakal na gate matapos pumitas ng bayabas sa Ecoland, Davao City noong Lunes ng hapon.

Agad naman rumesponde ang Central 911 Urban Search and Rescue Unit para tulungan ang bata.

Nang maputol ang bakal sa gate, pinaupo ang binatilyo habang sinisikap na makuha ang naiwang bakal sa kaniyang kamay.

Sabi ng binatilyo, kumuha siya ng bayabas at paglukso niya hindi niya nakuha ang bayabas kaya dumiretso ang kaniyang kamay sa bakal na gate.

Ayon sa mga kapitbahay, pinagsabihan na nila ang binatilyo pero hindi ito nakinig.
 
Sabi naman ng may-ari ng puno na si Nelda Enriquez, panay ang tahol ng kanilang aso at pinagsabihan na rin niya ang binatilyo na huwag lumukso at baka matusok.

Dagdag pa ni Enriquez na handa naman siyang mamigay ng bayabas kung magpapaalam lang ng maayos.

Dinala sa ospital ang binatilyo para makuha ang bakal sa kaniyang kamay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.