7 sugatan sa aksidente sa Tagaytay

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 11:26 AM | Updated as of Mar 28 2018 12:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - (UPDATED) Sugatan ang 7 indibidwal sa banggaan ng bus at jeep sa Barangay Niogan sa Tagaytay City ngayong Miyerkoles, pasado alas-10:00 ng umaga.

Ayon kay Jose Yayong, Tagaytay Disaster Risk Reduction and Management officer, minor injuries lang ang tinamo ng mga biktimang mga pasahero ng jeep.

Kuha ni Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na bumangga ang DLTB bus sa likod ng sinusundang jeep na biglang tumigil para magbaba ng pasahero sa nasabing barangay, sakop ng Aguinaldo Highway.

Kinilala na ang drayber ng bus na si Teodoro Merjan at ang drayber naman ng jeep na si Louie Manalo. Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente.

Kuha ni Joseph Dinglasan, ABS-CBN News

Kabilang lamang ang banggaang ito sa mga aksidente ngayong Miyerkoles Santo kung kailan inaasahang maraming uuwi ng probinsiya para sa Semana Santa.

Sa Taal, Batangas ay may karambola ng mga sasakyang nagresulta sa pagkamatay ng 7 indibidwal. Sa North Luzon Expressway naman, may karambola rin ng 8 sasakyan.

Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagbiyahe ngayong Semana Santa.--kasama ang ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News