5 timbog sa pagbebenta ng 'protected area' sa Boracay

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 10:12 PM | Updated as of Apr 04 2018 08:51 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Arestado ang limang pinagbibintangang nagbebenta ng protected forest land sa Boracay sa isang entrapment operation nitong Miyerkoles. 

Hinuli ang mga suspek ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI -AOTCD) sa Pasay matapos nilang tanggapin ang P500,000 na bayad ng biktimang investor para sa ibinebentang 7,000 square meter na lupa.
    
Isang nagpakilalang tagapagmana ng lupa, ang broker, abogado at dalawang interpreter ang mga nahuli ng awtoridad.
    
Ayon sa biktimang si 'Angel,' nakilala niya ang broker noong isang taon, at nakapagbayad na sila ng P38 milyon dahil sa ipinakita nitong certification ng munisipyo ng Malay, Aklan na multiple use zone ang lupa. 
    
Pero naghinala ang biktima nang magdouble-check ito sa Department of Environment and Natural Resources na nagsabing protected forest area ang lupa. 
    
Wala rin umanong binanggit na multiple use ang lupa sa certification na ibinigay ng munisipyo sa biktima.

Nagpakilala pa umano ang isa sa mga suspek na kaanak nito ang mga opisyal ng munisipyo. 

Dahil dito, nagsumbong na sila sa NBI.

Pero itinanggi ng suspek na kinilalang si Gina Talapian na ginamit niya ang mga kaanak niyang opisyal sa munisipyo. 
    
Hindi rin umano niya alam na protected area ang lugar.

Ayon naman sa NBI, posibleng imbestigahan nila ang lokal na pamahalaan ng Boracay, lalo't hindi nagtutugma ang mga dokumento.

Kulong ang mga suspek sa kasong syndicated estafa. 
    
--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.