2 taxi driver na sobra umanong maningil, huli sa NAIA

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 04:30 AM

Hinuli ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ang 2 taxi driver na sangkot umano sa sobrang paniningil sa pasahero.

Nahulihan ang isang yellow airport taxi ng batingting o gamit na pampabilis ng pagdagdag sa pamasahe.

Napansin ng mga tauhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang taxi dahil ayaw bumaba ng drayber habang nag-iinspeksyon sila sa airport.

Doon nila nakita ang batingting na tinatapakan ng drayber para dagdagan ang patak ng metro.

Depensa naman ng drayber, sinubukan lang umano niyang gamitin ito. Mahaharap siya sa kasong meter tampering.

Hinuli rin ang isang taxi driver matapos masangkot sa kaso ng sobrang paniningil sa pasahero na nag-viral sa social media.

Pinost sa isang video-sharing website ng Chinese-American food vlogger na si Mikey Chen ang karanasan niya sa pagsakay ng taxi sa Pilipinas noong Marso 25.

Siningil ang grupo niya ng P2,300 para sa paghatid lang mula sa NAIA Terminal 3 papuntang NAIA Terminal 4. May pinakita pa ang drayber na rate card para sa naturang ruta.

Tinawag ni Chen na "robbery" at "scam" ang aniya'y hindi makatarungang singil na tinawad niya ng P1,500.

Nahanap ng Manila International Airport Authority ang drayber sa pamamagitan ng mga palatandaan sa taxi na nakunan ng video ni Chen sa kaniyang vlog.

Pahayag naman ng akusadong drayber, ibinigay lang sa kaniya ng kapwa taxi driver ang rate card at nagbakasakali lang umano siya na pumayag ang pasahero.

Giit niya, unang beses lang niya sinubukang gawin ito sa 6 na taong pagmamaneho ng taxi.

Contracting at pag-operate ng colorum ang kahaharaping kaso ng drayber at kaniyang operator.

Ii-impound ng 3 buwan ang 2 taxi habang pamumultahin ng tig-P120,000 ang mga operator nito.

Posible ring ma-blacklist sa accredited airport taxi ang mga sangkot na drayber. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.