2 preso tumakas sa Digos City; 1 patay, 1 sugatan

Francis Magbanua, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 01:38 AM | Updated as of Dec 29 2018 09:03 AM

DIGOS CITY—Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pa matapos tumakas mula sa provincial jail sa Barangay Tres De Mayo sa lungsod na ito Martes ng umaga.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakatakas ang mga presong sina Miroy Digan, 33-anyos at may kasong homicide, at si Bakotal Tiwan, 32-anyos at may kasong murder.

Umakyat ang 2 lalaki sa bubong ng kulungan at tumalon mula sa mataas na bakod sa may likurang bahagi ng compound ng Bureau of Jail Management and Penology.

Sa hot-pursuit operation, nabaril ng mga tauhan ng BJMP ang 2 tumakas na preso. Nagtamo ng tama ng bala si Digan sa binti habang tinamaan naman si Tiwan sa katawan.

Isinugod sa ospital ang 2 ngunit idineklarang dead on arrival si Tiwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.