2 batang dinukot, pinagtrabaho sa riles, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 10:52 PM | Updated as of Jan 01 2019 09:01 PM

Nasagip ng Parañaque police kamakailan ang dalawang menor de edad na dinukot ng isang lalaki at sapilitang pinagtrabaho sa riles ng tren.

Matinding trauma o takot ang sinapit ng isa sa mga biktima matapos silang dukutin noong nakaraang linggo ng suspek na si Alexander Obligar.

Kuwento ng mga biktima, naglalaro sila nang bigla silang niyaya ng dalawang palaboy na sumama sa kanila.

Ibinigay sila ng dalawang palaboy kay Obligar, na nagpilit umano sa mga bata na magtulak ng trolley sa riles ng tren para kumita ng pera.

Napupunta naman ang kita ng mga bata kay Obligar, ayon kay Senior Superintendent Leon Victor Rosete, hepe ng Parañaque police.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang.

Ayon kay Obligar, ang mga bata umano ang pumunta at nakitira sa kaniya.

Nagpaalala naman si Rosete sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak.

Nahaharap ang suspek sa kasong child abuse.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.