14 pamilya sa Sogod, S. Leyte inilikas dahil sa malalaking bitak sa lupa

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2018 08:26 PM

Inilikas sa mas ligtas na lugar ang 14 na pamilya mula sa Purok 6, Barangay Pancho Villa sa bayan ng Sogod, Southern Leyte dahil sa pagkakaroon ng malalaking bitak sa lupa sa lugar.

Noong nakaraang linggo inilikas ang mga apektadong pamilya matapos makita ang mga malalaking bitak sa lupa.

Ayon sa impormasyon mula sa Office of Civil Defense (OCD) sa Region 8, nagkaroon ng malalaking bitak ang lupa na tinitirahan ng nasabing mga pamilya sa lugar.

Naapektuhan rin ang kalsada sa lugar noong Marso 13 dahil sa pag-ulan. 

Agad na nagsagawa ng geo-hazard assessment ang Mines and Geosciences Bureau (MGB) Eastern Visayas sa lugar, kung saan napag-alamang posibleng magkaroon ng landslide dahil sa mga bitak.

Inirekomenda ng MGB na magsagawa ng rehabilitasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lugar upang maiwasan ang pagbagsak ng lupa.

Inirekomenda rin na huwag nang padaanan sa mga sasakyan ang nasabing lugar tuwing umuulan dahil delikado ito.

Sa advisory ng DPWH Southern Leyte Engineering District, inabisuhan ang mga motorista galing Southern Leyte papuntang Tacloban City na maghanap ng alternatibong daan habang hindi pa naaayos ang nasabing kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.