Pag-okupa sa tiwangwang na mga pabahay, di ikinagulat ni Leni

ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 05:58 PM

Vice President Leni Robredo in her guesting at Failon Ngayon on DZMM on March 28, 2017. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

MANILA - "It was bound to happen," ito ang tugon ni Vice President Leni Robredo sa naganap na pagokupa ng mga maralitang taga lungsod sa nakatiwangwang na pabahay ng National Housing Authority (NHA).

"Nung member pa ako ng Cabinet nire-report ko several times itong sitwasyon na ito. Ang problema kasi natin napakarami nating housing projects na unoccupied," sabi ni Robredo sa DZMM Martes ng umaga.

Ayon kay Robredo, dati na niyang kinuwestiyon ang NHA dahil sa ginagamit nitong metrics.

"Yung metrics ng dati, yung accomplishments niya yung number of houses built kahit hindi occupied, kahit hindi napabuti yung pabahay basta sa kanya nakapagpagawa siya ng bahay, okay na iyon," ani Robredo.

Nagbitiw bilang Housing secretary si Robredo noong Disyembre matapos siyang pagbawalan ni Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa mga Cabinet meetings.

Banggit ni Robredo na maraming housing units sa Bulacan, Nueva Ecija, Pangasinan, at Cavite na hindi pa okupado at nasayang.

"Yung Kadamay, nung nasa HUDCC (Housing and Development Coordinating Council) pa ako, twice yang pumunta sa office. In-entertain ko sila at nagpropose ako sa Cabinet kung ano ang pwedeng gawin doon sa mga unoccupied na housing projects," sabi ni Robredo.

Isa sa naging suhestiyon noon ni Robredo sa gabinete ang i-redesign ang mga pabahay para sa PNP-AFP at ang mga hindi nila kukunin ay buksan na sa mga walang bahay.

"It doesn't make sense na ang dami mong nangangailangang--5.6 million ang backlog natin--pero ang dami mo din bahay na unoccupioed. Parang hindi siya swak," sabi ni Robredo.

Libu-libong kasapi ng Kadamay ang ilegal na umukop sa anim na housing projects ng NHA sa Bulacan.

Marami sa relocation sites umano ang walang basic utilities gaya ng kuryente at tubig, access to transportation at livelihood.

"Kahit nasa labas na ako ng HUDCC tina-trabaho ko pa rin ito. Yung patubig sa Bocaue resettlement site inaayos na namin. Ganun din sa Pandi, Norzagaray inaayos na din namin yung patubig diyan. Magko-construct nung mga connection," sabi niya.

Hiling ni Robredo na sana magkaroon muna ng moratorium ng relocation sa labas ng Maynila para mapagaralan muna.

Isa rin umano sa reklamo ng local government unit ay ang wala ng kakayahang pagsilbihan ang mga bagong patitirahin sa kanilang mga lugar.

"Ang request nila, konsultahin sila kung kaya naman i-accommodate," sabi niya.

Kailangan din umano na isama sa pagpaplano at konsultasyon ang informal settlers.

Samantala, hindi na umano mangyayari pang mabigyan siya muli ng posisyon sa gabinete ni Duterte.

“Kung mangyari yun, baka hindi na siguro. Obviously, marami kaming iba yung pagtingin sa mga bagay,” sabi niya.

Ipinaliwanag niya na bilang miyembro ng gabinete, magsisilbi silang alter ego ng pangulo.

“Hindi ko din kayang tumahimik sa mga bagay na i-feel strongly about,” pahayag niya.

Ganito anya ang naging problema niya noon kung saan marami sa polisiya ni Duterte, tulad ng extrajudicial killings, reimposition of death penalty, at paglibing kay dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani---ang di niya kayang suportahan.

“Kaya naging public pa rin tayo sa ating dissent at hindi naging maganda pagtingin ng tao doon,” sabi niya.

Pero dagdag niya na patuloy pa rin ang suporta niya sa mga bagay na pareho ang pagtingin nila ng pangulo kahit siya ay nasa labas na ng gabinete.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.