MMDA, balak doblehin ang multa sa mga traffic violation

Doris Bigornia, ABS-CBN News

Posted at Mar 28 2017 06:23 PM

MANILA – Balak doblehin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang multa sa lahat ng mga traffic violation, para masawata ang mga pasaway, at mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lahat ng kalsada.

Ayon kay MMDA Acting Chairman Thomas Orbos, hihingin na lang nila ang pagpayag ng mga alkalde sa Metro Manila.

Hindi na umano takot ang mga sumusuway sa batas trapiko, dahil mura lang ang multa. Halimbawa, ani Orbos, ang multa sa illegal parking ay P300 lang, halos katumbas lang ng buong araw na bayad sa pagparada sa designated parking spaces.

Kung dodoblehin ang multa ay aabot sa P600 ang penalty sa unang paglabag, na tataas hanggang sa umabot sa suspensyon at pagbawi sa lisensya.

Damay na umano ang lahat ng mga lalabag sa mga batas trapiko.

“Ipapataas ko na talaga iyong rates. Hindi ko na aantayin iyong uniformed rates, idodoble ko lahat…Lahat ng rates ngayon na nandoon iyong penalty namin, ipapadoble ko to make it a deterrent, not for government to make money,” sabi ni Orbos.

Sa pagpupulong ng MMDA kasama ang mga alkalde ng mga siyudad sa Metro Manila sa susunod na linggo, ipapanukala na ni Orbos ang pagdoble ng multa, mula illegal parking, hanggang sa driving without license, jaywalking, paggamit ng cellphone habang nagmamaneho, pagmamaneho ng motorsiklo na walang helmet, maging ang pagsusuot ng sando at tsinelas ng mga tsuper habang namamasada.

Kung aprubahan ng 17 alkalde, ikakasa sa Mayo ang implementasyon ng pagtataas ng mga multa.

Sa ngayon, ang pinakamababang multa ay P150 sa mga violation gaya ng closed door policy sa mga bus, pambabastos sa mga traffic enforcers, hindi paggamit ng seatbelt, at jaywalking.

Pinakamataas naman ang pagmamaneho ng colorum na sasakyan, at drag racing sa ibang siyudad, na may multang aabot sa P5,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.