Backhoe, sinunog ng mga armadong lalaki sa Quirino

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Mar 29 2017 12:37 AM

Sinunog ng mga pinaghihinalaang rebelde ang isang backhoe sa Maddela, Qurino nitong Linggo ng umaga.

QUIRINO - Halos maabo ang backhoe na nakagarahe sa Barangay Maddela, Quirino matapos masunog nitong Linggo ng umaga.

Sa salaysay ng dalawang trabahador, nagwe-welding sila malapit sa backhoe nang dumating umano ang apat na lalaki. Armado ang mga ito kaya hindi na sila nakapalag nang sabihan silang susunugin ang backhoe.

Ayon kay Chief Inspector Jhun Jhun Balisi, chief of police ng PNP Maddela, ang tanging sinabi umano ng mga rebelde sa dalawang welder ay "Pasensiya na kayo at kami ay napag-utusan."

Pag-aari ng Ricardo Diaz Interior Construction Company ang backhoe. Ginagamit ito ngayon sa paggawa ng tulay na magkokonekta sa Barangay Cabua-an at Ysmael.

Tumanggi munang magkomento ang kumpanya.

Pero hinala ng pulisya, rebeldeng grupo ang nasa likod ng panununog sa heavy equipment dahil wala umanong criminal group na maaaring gumawa nito. Teorya din ng pulisya, diversionary tactic o paraan ito ng mga rebelde para ilihis ang mga tumutugis na sundalo.

Matatandaang inilunsad ang opensiba ng militar laban sa mga rebelde nang alisin ang tigil-putukan.

Hindi rin umano isinasantabi ni Lt. Col. Jose Vladimir Cagara, commander ng 86th Infantry Battalion, ang istilo kasi signature move umano ito ng mga rebelde. Posible din umano na ginagawa ito ng rebeldeng grupo para sa nalalapit nilang anibersaryo sa March 29.

Hindi naman kumbinsido si Mayor Renato Ylanan. Base kasi umano sa mga impormasyon na natanggap niya, posibleng may ibang grupo na sangkot.

Nangangamba naman ang ilang residente sa kanilang seguridad, pero siniguro ng pulisya at militar na mas lalong hihigpitan ang seguridad sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.