Nanawagan ngayong Lunes si Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor sa mga turista na huwag magkansela ng kanilang booking sa Puerto Galera.
Ito'y kasabay ng pagtitiyak ni Dolor na ligtas sa oil spill ang Puerto Galera, isang sikat na tourist destination dahil sa magaganda nitong white sand beach at diving sites.
"Puerto Galera is safe," ani Dolor, na pinagbasehan ang isang ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources at Philippine Coast Guard.
"Wala siyang oil spill. At dahil walang oil spill, safe mag-dive," dagdag ng gobernador.
Sa ngayon, 9 bayan at isang lungsod pa lang sa probinsiya ang apektado umano ang oil spill.
Kabilang dito ang Calapan City at mga bayan ng Naujan, Pinamalayan, Pola, Gloria, Bansud, Bongabong, Mansalay, Roxaz at Bulalacao.
Ligtas pa umano ang karagatan ng Puerto Galera, Baco at San Teodoro.
Ayon sa provincial tourism office, sa mga apektadong lugar, umabot na sa P200 milyon ang nawalang kita o pinsalang dulot ng oil spill.
Kapag Puerto Galera ang tinamaan, magiging malaking dagok ito sa ekonomiya ng Oriental Mindoro, ani Dolor.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.