Ilang residente ang nag-abang sa pagdaan ng prosisyong inorganisa ng Santuario De San Pedro Bautista Church sa San Francisco Del Monte, Quezon City noong Abril 10, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MAYNILA - Hinihikayat ng Archdiocese of Manila ang mga debotong Katoliko na manatili na lamang sa kanilang tahanan at makiisa sa mga aktibidad ng simbahan online.
“Meron kaming ino-organize na Way of the Cross na gagawin po yan sa Holy Thursday ng umaga at meron din kaming set of prayers na tinatawag na Tenebrae, yun po ay alas-8 ng umaga sa Sabado,” ayon kay Bishop Broderick Pabillo, apostolic administrator ng Archdiocese of Manila.
"Ang mga parokya naman ay nag-oorganize sila ng Way of the Cross saka 7 Palabras sa umaga ng Biyernes. Lahat yan ay online na gawain."
Ikinatuwa ng Archdiocese ng Manila ang pagpayag ng Inter-Agency Task Force sa limitadong religious gatherings ngayong paggunita ng Semana Santa.
“Ok na sa amin yan,” sabi ni Pabillo sa panayam sa TeleRadyo Sabado ng umaga.
Pinapayagan ng IATF ang isang religious gathering kada araw mula Abril 1 hanggang 4. Tanging 10 porsiyento lamang ng kapasidad ng venue ang papayagang makadalo sa religious gatherings.
“Kahit wala silang sabihin na isa lang, talagang isa lang naman celebration namin sa mga araw yun,” ani Pabillo.
Ayon kay Pabillo, isa lamang ang misa na gaganapin sa mga sumusunod na araw:
- Holy Thursday - Last Supper
- Good Friday - Veneration of the Cross
- Holy Saturday - Easter Vigil
Magugunitang nagpatupad ng karagdagang paghihigpit sa Metro Manila, Rizal, Cavite, Bulacan at Laguna o tinatawag na NCR Plus Bubble para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Pero ayon kay Pabillo, puwedeng ituring na essential service ang religious service ngayong pandemya.
“Ang mga tao kailangan din ng spiritual, ng moral, ng psychological strength at maibibigay yan ng religious service,” sabi niya.
Hindi rin aniya nangangahulugan na ang religious services ay magkakalat ng COVID-19 dahil kaya naman aniyang makontrol ang tao.
“Sabi namin kapag magdedecide ang IATF ang dapat may representation ang religious sector kasi mas alam namin ang aming ginagawa,” dagdag niya.
Catholic Church, Holy Week, Holy Week online observance, Semana Santa, Broderick Pabillo, Archdiocese of Manila, religious observance, TeleRadyo