'Total lockdown' sa Pampanga dahil sa COVID-19, nagsimula na

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 06:15 AM

Ipinatupad na ng pulisya ngayong Biyernes ang anila'y total lockdown sa buong probinsya ng Pampanga dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“Lockdown na actually ang sinasabi natin dito dahil nga yung magi nating ipinapaliwanag ay quarantine is a medical term na talagang sinisikap natin na huwag nang lumabas o kumalat ang tinatawag nating coronavirus,” ani Police Col. Jean Fajardo, provincial director ng Pampanga Police.

Sa ilalim ng total lockdown, walang nang makakalabas at makakapasok ng Pampanga, partikular ang mga non-essential workers. Hindi kasama dito ang mga may medical at emergency cases.

Bukas pa rin ang mga essential establishments tulad ng mga supermarket, groceries, palengke, botika at iba pa sa mga itinakdang market hours pero tanging ang may mga identified quarantine pass lang ang papayagang lumabas ng bahay.

May mga mobile palengke na sa ibang bayan na sinusuyod ang bawat barangay para hindi na bumiyahe pa ang mga mamamalengke.

“We will stay outside of the streets for you, and the only thing you could do for us is to stay at home. Sa ngayon ang kapulisan ay 24 oras pong nagbabantay sa mga itinatag nating quarantine and control protocols sa national roads sa provincial roads at hanggang sa mga brgy control points,” ani Fajardo.

Nagbabala rin ang pulisya sa mga mahuhuling nagbebenta, bumibili at umiinom ng alak na sila'y aarestuhin at mahaharap sa patong-patong na kaso.

Pansamantala ring bawal ang pagbuburol o ang lamay sa mga patay at hinihikayat na kaagad ipa-cremate o ipalibing ang mga yumaong mahal sa buhay para maiwasan ang mass gathering.

Sa daily monitoring ng mga awtoridad sa Pampanga, umabot na sa 173 ang mga nahuhuli mula Marso 16 hanggang Marso 25, kung saan 66 sa mga ito ang nakasuhan na.

Anila'y leksyon sa ilan sa mga nahuli ay pagpapa-ehersisyo at community service.

Una nang isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa enhanced community quaratine dahil sa COVID-19 pandemic.