TINGNAN: DIY face shields nilagyan ng Bible verses

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 08:10 AM

Photo courtesy of PPE for Health Workers - Cabanatuan Volunteers

Tulong-tulong ang ilang mga taga-Cabanatuan City, Nueva Ecija para mabigyan ng mga personal protective equipment o PPEs ang mga nagtatrabaho sa mga ospital doon pati mga ibang frontliner sa laban kontra COVID-19 nitong Huwebes.

Dahil sa enhanced community quarantine, hirap makapasok sa lungsod ang supply ng mga PPE, kaya do-it-yourself o DIY na lang ang paggawa sa mga ito, lalo na ang mga face shield.

Ayon kay Tabel De Leon, isa sa mga bumuo ng PPE for Health Workers - Cabanatuan Volunteers, nasa 7 site ginagawa ang face shields mula sa mga plastic sheet, foam at tape o Velcro na kinalap naman sa donasyon.

Online ang pag-uusap ng mga volunteer at tokahan sa pagkalap ng mga gamit at paghatid ng face shields sa mga ospital.

May sari-sariling o "personal touch" ang mga face shield, gaya ng mga linya mula sa Bibliya at mga maiikling katanga gaya ng "Bayani Ka", "You are amazing", at "God Bless our Frontliners".

Ayon kay De Leon, paraan ito para mabigyang ngiti at lakas ng loob ang mga doktor, nars at iba pang mga medical frontliner na halos di na makauwi.

Kasama na rin sa mga tumutulong ang mga tauhan ng Mega Rehab facility sa Fort Magsaysay na kalapit bayan.

Nagsimula ang ambagan ng mga volunteer nang manlumo sila sa kakulangan ng mga PPE sa mga ospital gaya ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center, na ultimong plastic bag na pambasura ginamit na rin.

Mula nang magsimula noong nakaraang weekend nasa mahigit 170 na face shields na ang nagawa. Target nilang gumawa ng mahigit 200 pa.

Isinama na rin sa produksyon ang mga protective suit at aerosol box na pinaglalagyan ng ulo ng mga pasyente para iwas-hawa.

Kumakalap din sila ng donasyon para makabili pa ng mga raw material na pwedeng ipanggawa ng PPE.

Samantala, ayon sa Cabanatuan City Health Office, nitong March 26, dalawa na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Cabanatuan. Limamput tatlo ang persons under investigation at 1,582 ang persons under monitoring.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.