Puerto Princesa gagawa ng disinfection booth kontra COVID-19

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 04:36 PM

Puerto Princesa gagawa ng disinfection booth kontra COVID-19 1
Balak ilagay ang disinfection booth sa mga palengke at ospital sa Puerto Princesa City. Larawan mula kay Raine Bayron

PUERTO PRINCESA CITY – Gagawa ang Puerto Princesa City government ng disinfection booth na kanilang ilalagay sa mga pampublikong gusali tulad ng mga palengke at ospital, ayon sa lokal na pamahalaan. 

Bukod sa thermometer gun at alcohol o hand sanitizer, malaki ang maitutulong ng disinfection booth para matiyak na hindi kakapit ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga taong papasok o lalabas sa mga naturang gusali.

May isa nang prototype ang lokal na pamahalaan na ginawa ng mga taga City Engineering office. 

Plano nilang gumawa ng 12 piraso nito na ilalagay sa dalawang palengke, tatlong ospital, command center sa coliseum, City Hall, staging area ng frontliners at sa gagawing person under investigation (PUI) Center sa lungsod.

Tiniyak naman nilang ligtas ang mga tao sa gagamiting solution na ihahalo sa tubig na nasa tangke ng disinfection booth.

"Although bawal lang talaga ito sa mga may hika. Kasi anything naman na 'pag may hika, ay baka mag-trigger. So, hindi natin ito ina-allow sa mga may hika," ayon kay City Information Officer Richard Ligad.

"Para sigurado tayo na malinis 'yung mga kababayan natin, hindi mangangamba na ganitong hindi natin nakikita 'yung kalaban natin. So, kung mayroon niyan sa palengke halimbawa galing sila. Bago sila sumakay sa mga sasakyan nila, namalengke sila, pwede silang dumaan doon," ani Ligad.

Sa ngayon ay kailangan na lamang ng approval ng City Health Office sa prototype ng disinfection booth. Kapag naaprubahan na ay tuluy-tuloy na ang paggawa nito para agad nang mailagay sa mga napiling lugar.