'Pantawid ng Pag-Ibig' inihahatid na ang P100 milyong halaga ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 07:55 PM | Updated as of Mar 28 2020 04:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Halos isang buwan nang hindi nakakapasok sa trabaho ang padre de pamilyang si Sammy Custodio, empleyado ng isang machinery company sa Bulacan.

Paubos na ngayon ang nasa P3,000 sahod niya kaya naman nanawagan siya ng cash advance, maitawid lang ang kaniyang pamilya ngayong may enhanced community quarantine.

“Isang klaseng ulam lang hanggang gabi na iyon. Tapos nangutang lang kami ng bigas. Eh wala tayong magagawa, utang-utang na rin,” ani Custodio, na may 5 anak.

Hirap din ang stroke patient na si Eddie Mendoza ngayong may enhanced community quarantine.

Taong 2009 nang siya’y magkasakit at mag-isang naninirahan sa maliit na kuwarto. Hiwalay na siya sa asawa at umaasa lamang sa tulong ng mga kapatid.

“Dito lang sa bahay kung ano'ng datnan dito, kung ano'ng na'ndito, iyon na lang ang kakainin ko,” ani Mendoza.

Kasama ang mga pamilya nina Mendoza at Custodio sa mga natulungan ng "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN.


Ngayong weekend, nagsimula nang ipamahagi ang mahigit P100 milyong halaga ng tulong na nilikom para sa kampanya ng ABS-CBN, sa tulong ng mga partners nitong organisasyon.

Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan, at ng ilang kompanya gaya ng Century Pacific Food Inc. na nagbahagi ng kanilang delata, inaayos na ang mga ipamimigay na bigas at iba pang pangangailangan sa mga residente ng iba’t ibang barangay gaya ng Valenzuela.

Tutulong naman ang Armed Forces of the Philippines sa paghahatid ng bigas. 

Nabigyan ng pagkaing sasapat sa 1 linggo sina Mendoza.

Ang pamilya naman nina Custodio, pumunta sa satellite office ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela para makuha ang kanilang food packs. Kailangan lang nilang ipakita ang dalang voucher na may schedule para masunod ang physical distancing.

Ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, malaking tulong ang ibinabahaging tulong ng kampanya sa kanilang mga hakbang para maayudahan ang mga umaaray sa quarantine.

"Sa ganitong panahon, yung public-private partnership katulad noong ginagawa ng ABS-CBN. Malaking tulong siyempre. Marami tayong dapat pakainin at hindi kakayanin ng gobyerno lang," ani Gatchalian.

Nakapamahagi rin ang kampanya ng food packs sa Malabon City kasabay ng lokal na pamahalaan na gumamit ng kanilang e-trikes para mamahagi ng tulong.

Nakapamigay na rin ng mahigit 1,000 sako ng bigas at iba pang food supplies mula sa partners sa iba’t ibang siyudad sa Metro Manila.
Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa mga naging partner ng proyektong ito:

  • Century Pacific Foods Inc.
  • Rebisco
  •  Suy Sing Corporation
  •  Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  •  Quick Chow Noodles
  •  Mega Sardines
  •  Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  •   Safeguard
  •  Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  •  Unilab
  •   Ritemed
  •   Generika Drugstore
  •  Air21
  •  Entrego

Maaaring magpaabot ng tulong pinansiyal sa pamamagitan ng mga sumusunod:

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.