NAIA Terminal 2, 3, at 4 sarado simula Marso 28 dahil sa COVID-19 pandemic

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 05:21 AM | Updated as of Mar 27 2020 10:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tanging ang Ninoy Aquino International Airport Terminal (NAIA) 1 ang mananatiling operational dahil sa patuloy na pagdami ng mga airlines na nagsususpinde ng kanilang operasyon o ng flight papunta at galing ng Manila.

Isasarado naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang NAIA Terminal 2, 3, at 4.

Simila 12:01 ng madaling araw ng March 28, sa NAIA Terminal 1 na mag-ooperate ang Gulf Air, Korean Airlines, Asiana Airlines, China Airlines, Hong Kong Air, Eva Air, Japan Airlines, All Nippon Airways, Cathay Pacific, Qatar Airways, Singapore Airlines, at Royal Brunei. 

Ayon sa MIAA, malaki ang nabawas sa landing and take-offs sa NAIA. 

Mula sa nakasanayang 768 flight movements per day, bumagsak ito sa 50 movements na lang dahil sa patuloy na pagsuspinde ng operation ng mga air carriers matapos isara ng ilang foreign governments ang kanilang borders para mapigilan ang pagkalat ng novel coronavirus.

Dagdag nila, ang pagbabawas ng airport operation ay bilang suporta sa enhanced community quarantine ng gobyerno dahil mas kakaunti na lang ang mga airport personnel ang kailangang pumasok sa trabaho.

Mababawasan din ang bayarin sa utility cost dahil sa pagsasara ng tatlong terminal at magdudulot din ito ng mas murang paraan ng pamamahala ng logistics ng mga groundhandling companies.

Nakapag-issue na rin ng notice to airmen o notam sa lahat ng mga piloto sa buong mundo na tanging nag NAIA Terminal 1 na lang ang mananatiling operational habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Sa Terminal 2 naman gagawin ang mga sweeper flights at repatriation flights o yung pagpapauwi ng mga foreign nationals sa kanilang mga bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.