Hotel ginawang isolation facility para sa mga COVID-19 PUI sa Makati

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 05:25 AM | Updated as of Mar 27 2020 07:49 AM

Pansamantalang magsisilbing isolation facility ng mga persons under investigation (PUI) o mga taong may sintomas ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Makati Friendship Suites sa Barangay Cembo, Makati City.

Na-convert na ang dating hotel na may tatlong gusali para sa itinalagang isolation areas kung saan ibibigay ang kaukulang pangangalagang medikal sa mga pasyente at upang mapigilan ang local transmission ng COVID-19. 

Nakahanda na rin sa naturang isolation facility ang mga medical equipment, kabilang ang x-ray machines, defibrillators, at cardiac monitors.

Kayang tumanggap ng hanggang 100 pasyente ng naturang pasilidad na pamamahalaan ng mga doktor at nars ng Ospital ng Makati.

Bumuo rin ang pamahalaang lungsod ng Emerging and Re-Emerging Infectious Disease (EREID) team na kinabibilangan ng first responders mula sa Makati Health Department, sanitation workers ng Department of Environmental Services, at mga miyembro ng Makati Police Department, para sa patient management, disinfection, at security.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.