Grade 10 student, gumamit ng 3D printer sa paggawa ng face shields

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2020 09:03 AM

Dahil sa napakalaking demand para sa mga personal protective equipment o PPEs gaya ng mga face shields, nakiambag na rin ang komunidad ng mga may-ari ng 3D printers sa Pilipinas.

Imbes na tinta, gumagamit ang 3D printer ng plastic para makabuo ng mga bagay na ayon sa sukat at disenyo na inilatag sa computer.

Sakto ito sa pagbuo ng frame ng face shield.

Isa sa mga nagkainteres na tumulong na rin sa pag-print ng mga ito ay ang 16 anyos na Grade 10 student na si Marcus Chu.

Kahit may quarantine, tuloy pa rin ang online classes ng kanilang eskwelahan pero sinisingit ni Chu ang paggawa ng mga face shield frame sa kanilang 3D printer sa bahay mula nitong weekend.

Umaabot nang 1 hanggang 2 oras ang pag-print ng bawat frame, na kakabitan ng acetate o plastic na takip bago dalhin sa mga ospital.

Tumutulong din si Chu na ayusin ang disenyo ng frame para maging swak sa pangangailangan ng mga health workers.

Ayon sa estudyante, natutuwa siyang may naitutulong siya sa mga frontliners at umaasang mapapalakas nito ang kanilang loob.

Samantala, bumubuo ang University of the Philippines - College of Engineering at ibang mga pribadong grupo at kumpanya ng 3D printing farm sa campus para mapabilis at maparami ang ginagawang face shields.

Pagsasamahin nila ang 15 hanggang 30 na 3D printer para sa proyekto.

Ayon kay Erik Lacson ng Metatech Labs, dapat makabuo sila ng libo-libong face mask kada linggo para masabayan ang demand sa mga PPE.

Kaya bukod sa mga gustong ipagamit ang kanilang printer, makakatulong din ang donasyon na cash o mga plastic filament na bala ng mga 3D printer.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.