Paglilinaw sa 'bill waiver' ng Manila Water, giniit

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 06:43 PM | Updated as of Mar 27 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Gusto ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na malinawan sa anunsiyo ng Manila Water na hindi na pagbabayarin o may bawas-singil sa water bill sa Abril ang mga naapektuhan ng kakulangan sa suplay ng tubig. 

Nanawagan ang Bayan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na utusan ang Manila Water na magsagawa ng public hearing para rito.

Dahil milyon-milyong kostumer ng Manila Water ang nakaranas ng kawalan o mahinang daloy ng tubig nitong mga nagdaang linggo, hindi pa raw alam kung sino-sino ang walang babayarang bill o may bawas lamang sa bayarin.

"Parang sila-sila lang ang nag-uusap, 'yong talagang apektado, hindi naman nakokonsulta at hindi naman natatanong," ani Bayan Secretary General Renato Reyes.

Inanunsiyo noong Martes ng Manila Water na walang babayarang bill ang kanilang mga konsumer na pinakamatinding naapektuhan ng water shortage.

Sakop umano nito ang mga kostumer na maghapon at magdamag, at higit isang linggong nawalan ng tubig. Hindi na rin daw kailangang magbayad ng minimum charge na may katumbas na 10 cubic meters ang lahat ng Manila Water customers.

Tumangging magsalita ang Manila Water sa hirit na public hearing.

Ayon sa MWSS, hindi nila puwedeng puwersahin ang Manila Water na magsagawa ng public hearing ukol sa bill waiver dahil wala itong kinalaman sa concession agreement. 

"Hindi ko puwede puwersahin sila 'pag sa voluntary nila, puwede natin sila puwersahin lang sa rebate na i-impose ng MWSS Regulatory Office," ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty. 

"Hindi mo sila madiktahan kasi hindi naman siya kasama sa concession agreement, nag-volunteer sila eh," ani MWSS Administrator Reynaldo Velasco.

Bumuwelta naman ang Bayan at sinabing kapakanan ng mga kostumer ang nakataya kaya hindi puwedeng maghugas-kamay ang gobyerno.

"Issue ng consumers 'yan, mayroong effect sa consumers 'yong mangyayari so dapat mayroon ding responsibilidad ang gobyerno," ani Reyes.

Samantala, sa unang pagkakataon, inako ng magkapatid na Jaime Augusto at Fernando Zobel de Ayala ang responsibilidad sa pagkukulang ng Manila Water na nagbunga sa malawakang water interruption.

Ang Manila Water ay subsidiary ng Ayala Corporation.

Doble-kayod na raw ang kompanya para maibalik sa normal ang serbisyo at hindi na maulit ang kakulangan sa suplay.

"We will double our efforts to restore services to the high levels that we have had and to ensure that future shortages such as these will not be repeated," sabi ng mga Zobel sa pahayag.

Pinaplantsa naman ng mga lider ng MWSS ang ipepresentang action plan kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Abril 7.

"Kapag sinabmit namin ito, hindi siya happy, we should resign. Baka mas marami pang magaling na gagawa niyan," ani Velasco.

"Hindi po tayo tumatakbo sa responsibilidad, hindi po tayo tatakbo sa problema, tayo po ay haharapin natin 'yan," ani Ty.

Presidential appointee si Velasco habang appointed naman ng board si Ty na may terminong hanggang 2022 pa.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.