DOF: Walang probisyon para kuhanin ng Tsina ang mga likas na yaman ng PH

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinawi ng Department of Finance ang mga pangamba na maaaring makuha ang mga likas na yaman ng Pilipinas kapag hindi nakabayad ang bansa ng utang sa China.

Kasunod ito ng babalang binitiwan ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio nitong weekend na puwedeng kuhanin ng Tsina ang ano mang "patrimonial assets" kasama ang langis o natural gas sa Reed Bank kapag hindi umano makapagbabayad ang Pilipinas sa utang nitong $62 milyon (higit P3 bilyon) para sa Chico River irrigation project. 

Sinabi rin ni Carpio na kung may gusot, nasa arbitration tribunal ng China International Economic and Trade Arbitration Commission (CIETAC) ang desisyon kung makukuha na ng Beijing ang collateral.

Pero ayon kay Finance Undersecretary Bayani Agabin, walang probisyon para kuhanin ng China ang langis at natural gas ng Pilipinas bilang collateral.

Kahit totoo umano ang pahayag ni Carpio, wala namang mali rito.

"Walang magiging pagkakaiba ito kung ang Pilipinas ay magbayad sa ating mga kinauutangan gamit ang cash o ang cash na makukuha pagbenta ng langis na makukuha sa Reed Bank," ani Agabin.

Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kahit nasa China ang arbitration ng utang sa Chico River irrigation project, dadaan pa ito sa mga korte ng Pilipinas. 

"Any foreign judgment including an arbitral ruling will have to be enforced by a petition in the proper Philippine court," ani Guevarra.

Iginiit din ni Guevarra na napakaliit lang din ng $62 milyon (higit P3 bilyon) na utang para sa Chico River irrigation project. 

"The amount of the loan is just something like less than P100 million and relatively speaking, that's a small amount in terms of our total foreign debt," aniya.

Ayon naman sa datos ng National Economic and Development Authority (NEDA), lampas $15 bilyon ang sumatotal ng kasalukuyang utang ng Pilipinas sa iba't ibang bansa sa pamamagitan ng official development assistance.

Ang utang sa China at sa Asian Infrastructure Investment Bank ay aabot sa $570 million.

Mas marami pa ang utang ng Pilipinas sa Japan na umaabot sa lampas $9 bilyon. --Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.