PatrolPH

4 na lalaki arestado sa panghahalay sa 9 anyos na bata

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 04:06 PM

Tiyuhin ng biktima kabilang sa mga suspek

CEBU CITY – Apat na lalaki na sangkot umano sa panggagahasa sa 9-taong gulang na batang babae ang nakakulong ngayon sa Argao Police Station habang patuloy na tinutugis ang dalawa pa nilang kasamahan.

Ayon sa pulisya, Martes ng hapon nang makatanggap sila ng ulat mula sa isang concerned citizen sa nangyaring pangagahasa sa Barangay Talaga. 

Sa kanilang imbestigasyon, hinatak umano ng mga suspek ang bata sa tahimik na lugar malapit sa dalampasigan. 

Ang biktima pa umano ang nagturo sa pulisya kung sino ang mga nanghalay sa kaniya, at isa rito ay tiyuhin niya.

Inamin naman ng tiyuhin ng biktima na nahahawakan at nayayakap niya ang bata lalo na kung nalalasing siya. 

Sabi naman ng lola ng biktima na palagi itong naglalambing sa tiyuhin pero hindi niya inakalang hahantong sa ganitong sitwasyon.

Panay na lang umano ang iyak ng bata nang ipatawag ito ng barangay para alamin kung anong nangyari, sabi ng ama ng biktima.

Samantala, isasailalim ang bata sa stress debriefing sa posibleng trauma na natamo dahil sa pangyayari. 

Dagdag naman ng pulisya na nagpapatuloy ang kanilang hot pursuit operation laban sa dalawa pang lalaki na base sa kanilang monitoring ay hindi pa nakakalabas ng bayan. 

Nakatakdang maharap sa kasong rape ang anim na suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.