PatrolPH

2 barangay chairman sa Pampanga, nakaligtas sa pananambang

Mac Guda, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2019 08:52 PM | Updated as of Mar 28 2019 12:54 AM

MINALIN, Pampanga - (UPDATED) Nakaligtas sa pananambang ang dalawang barangay chairman sa bayan ng Apalit, Pampanga Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang mga biktima na sina Barangay San Vicente chairman Nick Gardiner at Barangay Sampaloc chairman Renato Pacia.

Kapwa galing sa peace covenant signing sa lungsod ng San Fernando ang dalawa. Nang nasa bahagi na sila ng Barangay Sto. Domingo sa bayan ng Minalin, biglang tinabihan ng isang itim na SUV ang kotseng sinasakyan ng dalawa at pinaulanan sila ng bala ng mga armadong lalaki.

Nagtamo ng sugat sa kaliwang balikat si Gardiner habang hindi naman nasaktan si Pacia.

Nadaanan ng isang police mobile ang sasakyan ng dalawang biktima at dinala ang mga ito sa ospital.

Ayon kay Pacia, wala silang ideya kung sino ang nasa likod ng pamamaril. Wala rin umano silang natatanggap na banta sa kanilang mga buhay.

Dagdag pa niya, walang plaka ang itim na SUV na sinakyan ng mga salarin.

Nagpapagaling pa sa ospital si Gardiner. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Samantala, kinondena ng Police Regional Office 3 ang nangyaring pananambang.

Humingi rin sila ng tulong mula sa publiko. Sino man ang may impormasyon na makakatulong sa pagkalutas ng kaso ay hinihikayat na pumunta sa pinakamalapit na istasyon ng pulis o tumawag sa PNP Hotline sa numerong (0999) 883-8327 at (0917) 623-5700.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.