Umano'y hitman sa Cebu napatay

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 09:36 AM | Updated as of Dec 26 2018 02:54 PM

CEBU CITY – Patay na ng dalhin sa pagamutan ang isang 36 anyos na lalaki matapos mabaril ng mga operatiba ng Regional Special Operations Group (RSOG-7) ng pulisya sa Barangay Ermita, Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, naunang nagpaputok ng kaniyang ‘di lisensiyadong baril si Janice Flores nang respondehan ng awtoridad ang isang "armed person alarm" sa lugar. 

Bago umano nagkaputukan ay inireklamo na ng ilang residente ng barangay si Flores na may bitbit na baril at nag-aamok.

Sabi ng awtoridad, hitman umano si Flores na responsable sa serye ng pagpatay sa lungsod. 

Dati na rin siyang nakulong sa Cebu City Jail sa kasong murder. Nakalaya siya noong 2010 dahil hindi naging sapat ang ebidensiya laban sa kaniya.

"We already sent our investigators to further get information to really establish his concrete identity,” sabi ni Senior Insp. Jonathan Taneo, Cebu City Police Station 5 Commander.

Pahayag naman ng tiyahin ni Flores, hindi nanlaban ang kaniyang pamangkin. Wala rin umano itong dalang baril nang maganap ang insidente.

Nakatakdang sumailalim naman sa ballistics examination ang baril ng lalaki habang sisilipin din ng awtoridad kung siya ay kasama sa drugs watchlist ng Cebu City Police Station 5.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.