TINGNAN: Kubo, itinayo para sa susukong NPA

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 10:31 AM | Updated as of Dec 26 2018 05:44 PM

Ito ang magiging pansamantalang pahingahan ng mga sumukong miyembro ng New People's Army sa Sarangani habang pino-proseso ang kanilang requirements para makuha ang benepisyo sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program o CLIP. Chai Tabunaway, ABS-CBN News

MALAPATAN, Sarangani - Sa loob ng headquarters ng Alpha Company ng 73rd Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army nakatayo ang isang bahay kubo para sa mga sumukong miyembro ng New People's Army (NPA).

Tinawag nila itong 'Pahulayan Ni Kauban' na pansamantalang magsisilbing tahanan at masisilungan ng mga sumukong rebelde habang pino-proseso ang kanilang requirements para makuha ang benepisyo sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program o CLIP.

Nahahati sa dalawang kuwarto ang bahay. May para sa lalaki at babae. Nabuo ang proyekto noong Marso 24 at pinondohan ng P25,000. 

Ayon sa commanding officer ng Alpha Company na si 1Lt. Daryll Cansancio, nagamit na ito ng mga sumukong NPA na ngayon ay nagsasanay na bilang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).

Patuloy naman ang opensiba at pagtugis ng mga sundalo sa mga NPA na lumalaban sa gobyerno, lalo na matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rebelde bilang isang teroristang grupo.

Ito'y matapos ang pagsasara ng gobyerno sa peace talks dahil sa patuloy na pag-atake umano ng NPA sa mga sundalo at police sa kabila ng pag-uusap. 

Nasa 13 miyembro ng NPA na ang sumuko sa 73rd IB ngayong taon at patuloy na hinihikayat ng awtoridad ang mga ito na at magbalik-loob sa gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.