PDEA namigay ng cash reward sa mga operating unit, sibilyan

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 09:45 PM

Milyon-milyong cash reward ang ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong umaga ng Martes sa kanilang operating units, at mga sibilyang nagbigay ng tulong sa kanila.

Ang cash reward ay para umano sa mga nagbigay ng impormasyon at tumulong para mahuli ng ahensiya ang mga high value target drug personalities. 

Aabot sa higit P6 milyon ang ibinigay sa mga kinatawan ng anim na operating units ng ahensiya bilang parte ng "PDEA Operation: Lawmen."

Bilang seguridad, nakatakip ang mga mukha ng mga nabigyan ng insentibo.

Layon ng ahensiya na mahikayat ang mga tao sa kanilang hanay na doblehin ang pagsisikap sa kanilang trabaho.

Pero bukod sa mga operating unit, binigyan din ng cash reward ang anim na sibilyan na nakapagbigay ng impormasyon na ikinahuli ng iba't-ibang drug personalities.

Hindi rin pinakilala ang mga sibilyan at binigyan lang ng code names para sa kanilang proteksiyon.

Aabot naman ng higit P7 milyon ang ibinigay sa mga sibilyan bilang parte ng "PDEA Operation: Private Eye.”

Titiyakin umano ng PDEA na hindi mauuwi sa korupsiyon ang reward system.

Bawat quarter ang magiging reward system ng PDEA.

Sa mga sibilyang gustong maging private eye ng ahensiya, maaaring magpadala ng impormasyon sa kanilang email o tumawag sa hotline.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.