MMDA, nagbabala laban sa mga pekeng enforcer

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 10:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Martes sa mga motoristang bibiyahe ngayong Semana Santa laban sa mga nagpapanggap na enforcer ng kanilang ahensiya. 

"Mag-iingat tayo, maraming sumisira sa imahe ng MMDA, nag-u-uniporme, may patiket pa sila pero peke naman," sabi ni MMDA acting General Manager Jojo Garcia.

Nasa apat na reklamo na ang natatanggap ng MMDA hinggil sa mga pekeng enforcer, ayon kay Garcia.

"Siguro itong enforcer na ito, naka-uniporme ng MMDA, naghihintay na lagyan siya. E, 'di naglagay 'yong motorista [kaya] kinumpiska ang lisensiya," kuwento ni Garcia. 

Ipinakita ni Garcia ang tunay na hitsura ng tiket ng MMDA, na may serial number at kapag ibinigay sa motorista ay nilalagyan ng MMDA stamp sa kaliwang bahagi.

Dagdag pa ni Garcia, hindi maaaring kumpiskahin ng enforcer ang lisensiya ng motorista maliban kung nasangkot ito sa isang aksidente. 

"Hindi kinukuha ang lisensiya niyo except kung iyan ay aksidente. [Kapag] regular traffic violation, hindi hinuhuli ang lisensiya," ani Garcia.

Kung kaduda-duda ang enforcer ay maaari itong hingan ng mission order, na kinakailangan ay laging dala ng kanilang mga tauhan.

"Dito nakalagay kung ano ang duty time niya, saan ang lugar niya. So kung wala siyang hawak nito, 'yong enforcer namin kolorum," paliwanag ni Garcia. 

Hinimok ni Garcia na kuhanan ng retrato at isumbong sa kanila ang mga "kolorum" na enforcer.

Halos 2,000 enforcer ang ipapakalat ng MMDA sa Semana Santa para pangasiwaan ang trapiko at umalalay sa mga magdadagsaan sa mga simbahan. 

Inanunsiyo naman ng Malacañang na half-day ang pasok sa mga opisina ng gobyerno at paaralan sa Miyerkoles, para bigyang daan ang paghahanda ng mga manggagawa at mag-aaral sa paggunita ng Semana Santa. 

Aalisin din ang number coding scheme ng mga sasakyan sa Metro Manila sa Miyerkoles simula alas-10 ng umaga, ayon sa MMDA. 

Pero hindi umano nangangahulugang wala nang huhulihin sa paglabag sa mga batas-trapiko, gaya ng yellow lane at Anti-Distracted Driving Act.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.