Mga turista, dagsa pa rin sa Boracay para sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 05:22 PM | Updated as of Dec 27 2018 07:02 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Unti-unti nang dumadagsa ang mga bakasyonista sa Boaracay ngayon Semana Santa sa kabila ng bantang pagpapasara nito.

Kahit pa samu't saring batikos ang ibinabato sa isla, lalo na ang paglabag sa mga environmental law, wala pa ring patid ang pagdating ng mga turista ngayong Holy Week.

Pami-pamilya o magbarkada ang dumarating para sa mahabang bakasyon.

Base sa tala ng Malay Tourism Office, tumaas ng 9 porsiyento ang tourist arrival nitong Pebrero, panahon kung saan nagsimula ang pagsisiwalat sa mga paglabag umano ng isla.

Inaantay naman ang record para sa buwan ng Marso na inaasahang tataas din dahil sa mga bakasyonista ngayong Holy Week.

Mas pinaigting naman ang seguridad sa terminal at pantalan.

Sa Caticlan, dumaraan na sa X-ray ang mga bagahe ng mga turista.

May mga K-9 na rin na umiikot sa mga bagahe habang may mga nakaposte rin na force multipliers.

Nagpapatupad din ng masusing monitoring ang Coast Guard. Ayon kay Lieutenant Commander Ramil Palabrica, mayroon ding assistance desk para sa mga bakasyonista. 

Siniguro naman nila na hindi lalagpas sa 30 hanggang 40 ang kapasidad ng bumibiyahe na pump boat.

May mga programa rin sa isla ngayong Kuwaresma, maliban sa mga misa sa simbahan. May prusisyon sa white beach sa darating na Biyernes Santo na bahagi ng taon-taong tradisyon sa Boracay tuwing Semana Santa.

Samantala, tuloy pa din ang operasyon ng Boracay airport sakaling ipatupad ang pagsasara ng isla.

Ayon sa ilang airline company, depende sa haba ng closure ang kanilang magiging flight adjustments, pero tiyak umanong ipaaalam nila ito sa kanilang mga pasahero. -- Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.