Mga tsuper ng Uber, walang dapat ikabahala sa pag-anib sa Grab: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 06:05 PM

Walang dapat ikabahala ang drivers ng Uber sa pagkakabili sa kompanyang ito ng Grab dahil magpapatuloy pa rin ang kanilang hanapbuhay.

Ito ang siniguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ilantad ng parehong kompanya nito lamang Lunes na mag-aanib na sila ng operasyon.

"Doon sa mga Uber operators, kayo po ay ipoproseso pa rin ng LTFRB. The merger of Grab and Uber will not affect your application to us as TNVS," ani LTFRB board member Atty. Aileen Lizada.

Kapag nasa "master list" umano ang pangalan ng Uber operator hanggang Hulyo 2017, ipoproseso pa rin ng LTFRB ang kanilang aplikasyon. 
    
Dagdag ni Lizada, may common base o pool na ang mga transportation network vehicle services (TNVS) ngayon sa kanilang opisina.

Mas maganda aniya ang ganitong sistema lalo't may tatlo pang TNVS companies ang inaasahang papasok sa bansa.

"Whether you are Uber, whether you are Grab, to LTFRB there is no brand. Kasi po ang ire-release natin ngayon ay prangkisa na walang pangalan," paliwanag ng opisyal. 
    
Samantala, sinabi naman ni Commissioner Johannes Benjamin Bernabe ng Philippine Competition Commission na kailangan pa nilang pag-aralan ang pagbili ng Grab sa Uber bago pag-isahin ang operasyon ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.