Mga sibilyan sa Maguindanao, isinuko ang mga armas sa pamahalaan

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 07:53 AM

Aabot sa 75 piraso ng mga armas ang isinuko ng mga sibilyan sa Maguindanao bilang bahagi ng Balik Baril Program ng pamahalaan.

Nitong Lunes sa bayan ng Pagalungan sa Maguindanao, nasa 45 na iba't ibang low and high-powered firearms ang isinuko ng mga sibilyan sa Philippine Army.

Nasa 30 armas naman ang isinuko ng mga sibilyan sa bayan ng Datu Montawal.

Sa ilalim ng Balik Baril Program ng pamahalaan, ang bawat baril na isinusuko ng mga sibilyan sa militar ay may katumbas na tulong pangkabuhayan na ibibigay ng lokal na pamahalaan.

Kabilang rito ang pamamahagi ng mga alagang hayop tulad ng baka at kalabaw na magagamit sa pagsasaka.

"May livelihood ito na kapalit tulad ng alagang baka na magagamit nila sa sakahan. 'Yung iba naman ay coconut seedlings at 'yung iba ay depende sa livelihood program nila," paliwanag ni 6th Infantry Division Public Affairs Office chief Capt. Arvin Encinas.

Mula buwan ng Pebrero hanggang sa kasalukuyan, aabot na sa 243 na loose firearms mula sa sampung bayan sa Maguindanao ang isinuko ng mga sibilyan sa militar.

Ayon sa 6th Infantry Division, malaki ang naitulong ng pinairal na batas militar sa Mindanao sa pagsawata sa loose firearms sa gitnang bahagi nito. 

Sa tala ng awtoridad, aabot sa halos 7,000 ang loose firearms sa lalawigan ng Maguindanao.

Isa sa mga dahilan sa pag-aarmas ng mga sibilyan sa lalawigan ang "rido" o ang away-pamilya.

"Malaki talaga ang naitulong ng martial law sa campaign natin against loose firearms. Ang mga sibilyan na mismo ang sumusuko ng kanilang baril upang hindi masampahan ng kasong illegal possession of firearms. Rido ang dahilan ng pag-aarmas nila," dagdag ni Encinas.

Ipinatupad ang batas militar sa Mindanao noong Mayo 2017, nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng gobyerno at Maute group, isang pangkat ng mga terorista na iniuugnay sa Islamic State. Mananatili ito hanggang sa katapusan ng taon. 

Bukod sa isinukong mga armas, mayroon pang 13 armas na nakuha ang militar mula buwan ng Enero hanggang kasalukuyan sa kanilang mga isinagawang clearing operation sa iba't ibang bayan sa Maguindanao at North Cotabato.

Inaasahan ng 6th Infantry Division na madaragdagan pa ang mga isusukong armas sa mga darating na araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.