Kawani ng hall of justice sa Negros Oriental, patay sa pamamaril

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 11:17 PM

Patay ang isang kawani ng Hall of Justice Branch 32 sa Negros Oriental matapos pagbabarilin Martes ng hapon sa Upper Cantil-e, Dumaguete City.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Calixto Fabor, 59-anyos at isang process server na nagtatarabaho sa sala ni Judge Roderick Maxino ng Branch 32.

Ayon kay PO2 Catalino Entea Jr. ng Dumaguete City Police Station, nagmamaneho ng kaniyang motor papunta sana ng trabaho ang biktima nang biglang sinundan ng 2 lalaki na nakamotorsiklo at pinaulanan ng bala.

Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay matapos magtamo ng 4 na tama sa katawan.

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung sino ang mga salarin, maging ang motibo sa krimen.

Tinitingnan ngayon ng mga pulis na posibleng personal o kaya naman may kaugnayan sa trabaho ang dahilan sa pamamaril.

Sinusubukan ngayong kunin ng mga pulis ang kuha ng CCTV sa paligid ng pinangyarihan upang makilala ang dalawang salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.