Groto ng Birheng Maria sa gubat, dinarayo

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 11:30 AM | Updated as of Dec 26 2018 07:16 PM

Dinarayo na ng mga deboto ang groto ng Our Lady of Lourdes na nakatayo sa gitna ng gubat sa Davao City. Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Hindi aakalain na sa gitna ng gubat makikita ang groto ni Birheng Maria na nakapagdadala umano ng milagro.

Mula sentro ng Davao City, 25 kilometro ang babaybayin patungong Barangay Catigan, Toril District kung saan nakatayo ang Our Lady of Lourdes na groto sa gitna ng gubat.

Upang mapuntahan ito, kinakailangang daanan muna ang isang hagdan na may hindi bababa sa 500 hakbang.

Sulit naman ang lakad sapagkat matatanaw sa paligid ang iba't ibang klase ng mga puno at halaman na sa mga malalamig lamang na lugar nabubuhay.

Makikita rin ang mga malalaking ugat ng puno na palatandaan kung gaano na ito katagal na nabubuhay sa lugar.

Mala-Baguio rin ang pakiramdam dahil mababa ang temperatura sa lugar.
 
Bago makapunta sa groto mismo ay may mga poste na nakasabit para sa Way of the Cross.

May mga cottage din kung saan puwedeng pansamantalang manatili ang mga deboto.

Puwede ring mag-alay ng kandila at bulaklak katabi ng imahe ng Birhen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.