Bakit ayaw ng pulisya ang '#ATM'?

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 05:46 PM

Nakiusap ang pulisya na iwasan muna ang pag-post ng may "#ATM" o "hashtag at the moment" sa social media kung magbabakasyon sa ibang lugar ngayong Semana Santa. 

Karaniwan kasing hashtag ito ng mga post na kasalukuyang nangyayari o nararanasan ng netizen.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), delikado ang maya't mayang pagpo-post ng mga ginagawa o kinaroroonan ng mga bakasyonista. 

Malalaman kasi ng mga kawatan tulad ng mga magnanakaw o "akyat-bahay" na wala ang netizens sa kanilang mga bahay kaya maaaring maging target ang naiwang bahay.

“Of course everyone wants to... update everyone of what you do and your itinerary. But if it is not necessary, you can always post it after," ani NCRPO spokesperson Kimberly Molitas.

Iwasan din aniya ang pagpo-post sa social media ng mga tiket o pasaporte na naglalaman ng mga personal na detalye.

Payo rin ng NCRPO, huwag kalimutang bunutin ang nakasaksak na appliances sa bahay bago magbakasyon.

Tiniyak naman ng NCRPO ang publiko na libo-libong pulis ang naka-deploy sa buong Metro Manila para tiyakin ang seguridad ngayong Semana Santa.

-- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.