Babae patay sa pamamaril sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2018 05:17 AM

MAYNILA - Patay ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay Central Bicutan, Taguig City Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Elvira Antonio, 47 anyos.

Ayon sa Taguig Police Community Precinct (PCP) 2, nangyari ang insidente alas-7 ng gabi habang naglalakad ang biktima sa kanto ng Cagayan de Oro at Pulan St.

Nakita na lang ng ilang residente na nakahandusay at duguan ang biktima matapos ang ilang putok ng baril. Wala umanong nakakita kung sino ang bumaril sa kaniya.

Hinala ng pulisya, may kaugnayan sa ilegal na droga ang pamamaril. Nakulong nitong Marso ang asawa ni Antonio dahil umano sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. - ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.