ALAMIN: Saklaw ng pa-free tuition ng gobyerno

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 08:48 PM | Updated as of Dec 28 2018 04:44 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Kamakailan ay inilabas ng Commission on Higher Education (CHED) ang implementing rules and regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017.

Sa ilalim ng batas, libre na ang matrikula at miscellaneous fees sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.

Ngunit ano nga ba ang saklaw ng naturang batas? Ito ang tinalakay sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM nitong Lunes.

Ayon sa abogadong si Atty. Claire Castro, sakop ng libreng edukasyon ang mga kuwalipikadong estudyante sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.

"Kung kayo po ay qualified na estudyante, at kung may mga dapat na ipasa na mga entrance exam, pumasa po kayo, at may ime-maintain kang grades, at na-maintain mo naman, tuloy-tuloy 'yung benepisyong makukuha mo ayon sa batas," ani Castro.

Bukod sa mga unibersidad, sakop din aniya ng naturang batas ang mga mag-aaral sa technical at vocational institutions gaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Mahigpit namang ipagbabawal ang paniningil ng matrikula at iba pang mga bayarin sa mga kuwalipikadong estudyante, ayon kay Castro. 

Nasa P40 bilyon ang inilaan na pondo ng gobyerno para sa libreng edukasyon na magsisimula ngayong Hunyo.

Sa P40 bilyong pondong inilaan ng pamahalaan, P16 bilyon dito ang para sa state universities at colleges, gayundin sa mga local universities and colleges (LUC).

Ilalaan naman ang P7 bilyon para sa libreng technical vocational education, habang P15,850,919,000 ang ilalaan sa tertiary education subsidy para sa mga mahihirap na estudyante.

Samantala, 78 na LUC lamang ang nasa listahan ng CHED na makatatanggap ng subsidyo para sa libreng matrikula ng mga mag-aaral nito.

Mahigit 100 ang bilang ng mga pampublikong kolehiyo at unibersidad sa bansa.

Paliwanang ng CHED, 31 LUC ang hindi mabibigyan ng subsidyo dahil ang ilan sa kanila'y hindi nakapagpasa ng rekisito sa komisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.