2 lalaki, patay matapos sumalpok ang motorsiklo sa backhoe

ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2018 05:08 AM

Patay ang 2 lalaki matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa Quezon City nang akalaing hinahabol sila ng mga rumorondang pulis Martes ng madaling-araw.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Ayon kay Senior Insp. Aurelio Santiago, commander ng Police Community Precinct 1, bigla nalang humarurot ang 2 lalaki pagkakita sa kanila.

"Nagroronda kami. Nung pagkita sa amin, di naman namin sila tinawag, biglang tumulin ang takbo," aniya.

Dahil dito, sinundan sila ng mga pulis. Ngunit mabilis ang pagpapatakbo ng mga lalaki hanggang sa sumalpok sila sa backhoe ng DPWH sa Fairlane St., Greater Fairview ala-1 ng madaling-araw.

Ayon kay Rey Flores, team leader ng DPWH Road Widening Project, natutulog na sila nang biglang may narinig na kumalabog.

"Tapos may narinig kami na 'aaah'. Akala namin may nambabato," aniya.

Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.