Police mobile at kotse, nagbanggaan sa CamSur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Mar 27 2017 09:12 PM

Ang Bandang Shirley performs at the Blue Bay Walk Garden. Photo courtesy of Sipocot MPS

SIPOCOT – Nakabanggaan ng isang police mobile ang isang pulang kotse Lunes ng tanghali sa National Highway sa may bandang Barangay Taisan, Sipocot, Camarines Sur.

Sakay ng police mobile ang 10 pulis ng Regional Public Safety Battalion, na kasama sa congressional convoy na galing sa probinsya ng Albay.

Nayupi ang kaliwang bahagi ng dalawang sasakyan.

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, nag-overtake ang kotse sa trak na nakaparada sa lugar, kaya hindi nito nakita ang kasalubong na police mobile.

“Nag-overtake siya sa truck na nakapundo (nakatigil). Pag-overtake niya, yaon (nanidyan) man si mobile…mabilis ang takbo kasi nga nag-escort sila,” ani SPO1 Freddie Urbana Jr., officer-on-case ng Sipocot Municipal Police.

Kahapon pa sinalubong ng Regional Public Safety Battalion (RPSB) ang nasa 12 kongresista mula Mindanao, na ihahatid sana nila sa Calauag, Quezon bago tumulak papuntang Maynila.

Nasugatan sa insidente si PO1 Francis Barcenas, samantalang dinala naman sa ospital ang drayber ng kotse na si Ferdinand Basilla, kasama ang dalawang mga pasaherong 4- at 13-taong gulang.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari, pero paalala nila sa mga motorista, parating mag-ingat sa pagmamaneho.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.