MAYNILA -- Pinaghahanda na ng Maynilad ang mga konsumer sa mga posibleng water interruption ngayong tag-init, lalo't may banta pa ng El Nino.
Maaaring makita sa social media accounts ng Maynilad ang mga water interruption schedule.
"Iniexpect natin na kaunti na ang mga pag-ulan na magaganap na makaka-replenish sa ating dams ah nitong mga susunod na buwan at minabuti ng Maynilad na mag implement na po tayo ng mga pressure management na or off peak service interruptions or daily service interruptions sa ating concessionaire area," ani Maynilad Corporate Communications Head Jennifer Rufo.
Ang ilang konsumer, nagiisip na ng paraan para mairaos ang kawalan ng tubig.
Si Rhea Cabug, sinasamantala ang makapagdilig ng mga panindang halaman sa kaniyang garden sa Barangay Don Bosco sa Paranaque City habang mataas ang pressure ng tubig tuwing umaga.
"Diba sabi nila may El Nino, eh ano ang gagawin namin sa halaman namin di lugi ang negosyo namin, mamatay kami," ani Cabug.
Nag-iimbak naman ng tubig si Louie Perez tubig dahil napapadalas ang pagkawala ng suplay.
"Naguunahan kami sa pumping. Pag mayroong konting tulo pump na kami ay sabay sabay kami niyan so mahina din ang dating, Magastos sa kuryente nagpa-pump ka at the same time bumibili ka pa rin ng tubig," dagdag niya.
Pero ayon sa Maynilad, maganda pa ang suplay ng tubig sa Angat Dam Habang may pagbaba naman sa lebel ng tubig sa Ipo Dam.
Dahil dito, nanawagan ang Maynilad sa kanilang konsumer na magtipid sa konsumer ngayong tag-init.
-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News