Crime scene kung saan nabaril ang hepe ng San Miguel Municipal Police Station. ABS-CBN News.
Kinondena ni Bulacan Governor Dan Fernando ang pagkakapatay sa hepe ng San Miguel Police habang rumeresponde sa robbery holdup incident Sabado.
Para sa gobernador, maituturing na kabayanihan ang ginawa ni Police Lt.Col. Marlon Serna.
"Nakikiramay po ang buong Bulacan, siya po ay taga-Cabanatuan, kami po ay nakikiramay sampu ng aking pamilya, ang buong probinsya ng bulacan sa nangyaring ito sa kanya, siya po ay maituturing actually na isang bayani ng ating kapulisan, at sa kanyang tungkuling ginampanan ay hindi po natin makakalimutan salamat, salamat sa pagresponde, salamat sa tulong, salamat salamat! Sa mabilis na aksyon na ginawa ninyo kaya lang po ay naunahan lang siya at hindi po kami papayag na hindi ito mahuli kaya sa buong pamilya ng ating hepe, maraming salamat po sa inyo at nakikiramay po kami sa inyo," ani Fernando.
Iniutos na ni Fernando sa pulisya na paigtingin pa ang paghahanap sa mga salarin.
"I already talked na to PD, the provincial director si Relly Arnedo, and pinag-usapan na nga namin ang tungkol dyan, and I gave na may directives in that 'manhunt' na talaga ang gagawin, so we need to apprehend na talaga yan, mahuli na talaga yan," aniya.
Nagbigay rin si Fernando ng P200,000 na pabuya sa ikadarakip ng mga salarin.
"Sa totoo lang hindi natin papayagan yung mga ganyan so I said to him that I will add P200,000 para sa pabuya”
Panawagan naman ng gobernador sa mga salarin na sumuko na.
"Sa mga suspek, well may Diyos na hindi natutulog, tandaan ninyo, kung may Diyos pa kayo sa puso’t isip ninyo ay mabuti pang sumurender na kayo, kasi hindi namin kayo tatantanan. Sa totoo lang, kaya kung ako sa inyo magvoluntary surrender na kayo, hindi man kayo mahuli ngayon bukas o sa isang araw, pero hindi kayo patutulugin ng ko sensya ninyo kung may konsensya pa kayo," dagdag ni Fernando.
Nasa kabuuang P1.2 milyon na ang alok na pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay kay Serna.
- ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.