PatrolPH

Lalaki patay matapos tamaan ng kidlat sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Mar 26 2023 05:08 PM

Patay ang isang lalaki matapos na aksidenteng tamaan ng kidlat.

Ayon sa impormasyon mula sa Gandara PNP nangyari ang insidente alas-2:30 ng hapon nitong Biyernes (March 24, 2023) sa Sitio Cabanusan, Brgy. San Pelayo, Gandara, Samar.

Napag-alaman pa na ang pinangyarihan ng insidente ay mararating sa pamamagitan ng 20 minutong sakay sa bangka at halos dalawang oras ang lakad mula sa barangay proper.

Nakilala ang biktima na si Joel Cailo De Pedro, 42-anyos at isang magsasaka.

 Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad habang malakas ang ulan ay naglalakad ang biktima sa palayan at dito siya tinamaan ng kidlat.

 Ilang kapwa magsasaka ang nakakita sa insidente.

Nang humupa ang ulan pagkatapos ng isang oras dito na nakahingi ng saklolo ang ilang magsasaka sa mga barangay officials.

Nasunog ang ilang bahagi ng katawan ng biktima at wala na itong buhay ng lapitan ng mga rumesponding barangay officials.

Naiuwi na sa pamilya ang labi ng biktima.

-- Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.